من بدع شهر رجب
1. Ang pagdiriwang sa ika- 27 ng gabi nito: At tinatawag nila itong Laylatul Isra’ Wal Mi’raj (ang gabing paglakbay sa Jerusalem at pag-akyat sa langit). Sa dahilang hindi napagtanto ang katakdaang araw nito sa mga tumpak na Hadith, bagkus ang lahat ng nagpahayag sa katakdaang araw nito ay hindi napatunayan mula sa Propeta (sas) ayon sa pahayag ng mga Pantas ng Hadith. At kung napatunayan man ang takdang araw nito, hindi pa rin ipinahihintulot sa mga Muslim na itakda itong isang pangbatas na gawain, dahil hindi itinagubilin sa kanila na ipagdiriwang ito, ni magtakda rito ng anumang gawaing pangbatas.
(Tingnan ang aklat na nagngangalang “Risalat At-Tahdhir minal Bida” kay Shaikh Abdul Aziz bin Baz)
2. Ang tinatawag na Salat Ar-Ragaib: Sinabi ni Al-Hafidh ibn Rajab – nawa'y kahabagan siya ng Allah: "Walang partikular na Salah na napatunayang nabubukod-tangi lamang sa buwan ng Rajab." Samakatuwid ang mga Hadith na nagpapahayag tungkol sa kahalagahan ng naturang Salah sa unang gabi ng Biyernes sa buwan ng Rajab ay kasinungalingan at walang katuturan, hindi tumpak. Kung gayon ang Salah na ito ay Bid’ah batay sa pahayag ng karamihang mga Pantas….. at ang simula ng paglantad nito ay pagkalipas na ng apat na siglo, kung kaya't hindi ito alam ng mga sinauna, at hindi sila nakapagpahayag tungkol dito.
(Tingnan ang aklat na nagngangalang “Lataif Al-Maarif” kay ibn Rajab)
3. Ang pag-aayuno sa buwan ng Rajab o sa mga ilang araw nito: Sinabi ni Al-Hafidh ibn Hajar – nawa'y kahabagan siya ng Allah: "Walang napatunayan na tumpak na Hadith na nagpapahayag tungkol sa kahalagahan ng buwan na ito, ni ito'y pag-aayunuhan, o ang isang partikular na araw nito, at maging sa pagtaguyod sa isang partikular na gabi nito, na maaaring pagbabasihan. At sa katunayan, naunahan ako ni Al-Imam Abu Ismael Al-Harawie Al-Hafidh sa pagpasiya nito – nawa'y kahabagan siya ng Allah."
(Tingnan ang aklat na nagngangalang “Tabyin Al-'Ajab bima warada fi Fadhl Rajab” kay Al-Hafidh ibn Hajar)
4. Ang pagsasagawa ng Umrah sa buwan ng Rajab: Tunay na hindi napatunayan sa Sugo (Muhammad sas) na siya ay nagsagawa ng Umrah sa buwan ng Rajab. Samakatuwid ang pagsasagawa ng Umrah sa buwan ng Rajab ay walang kalamangan sa ibang buwan bukod dito, nang tulad ng pag-aakala ng ilang mga tao.
Ang tumpak na ulat tungkol sa Propeta (sas), siya ay nakapag-umrah ng apat na ulit lamang, ang lahat ng ito ay sa buwan ng Dhul Qaidah maliban sa yaong isinabay niya sa kanyang Hajj.
Una: Umrah Al-Hudaibiyyah; ika- 6 sa taon ng Hijrie, subalit siya ay hinarangan ng mga Pagano sa sagradong Bahay (Ka’bah).
Pangalawa: Umrah Al-Qadha’; sa sumunod na taon.
Pangatlo: Ang Umrah na kanyang isinagawa mula sa Al-Ju’ranah sa taon ng kalayaan.
Pang-apat: Ang Umrah na isinabay niyang isagawa sa kanyang Hajj.
(Tingnan ang aklat na nagngangalang “Zadul Muad” kay ibn Al-Qayyim)