Kailan Ba Ang Tao Nabibiyayaan Kapag Nagpapahayag ng Pananampalataya
Ang pagbigkas ng La Ilaaha Illalaah ay kinakailangang may kalakip na pang-unawa sa kahulugan nito at kailangang isagawa ang mga bagay na itinakda. Subali't, may mga bahagi sa nilalaman nito na maaaring isiping ang pagbigkas nito ay sapat na ayon na rin sa mga sinasabi ng ibang tao. Ang mga bagay na ito ay nangangailangan ng malinaw at maayos na pagpapaliwanag upang maiwasan ang maling pang-unawa sa tunay na kahulugan ng sinumang naghahanap nang katotohanan.
Kaugnay nito tunghayan natin ang hadeeth ni 'Utbaan [nawa'y kaawaan siya ng Allah] sa kanyang sinabi: "Katotohanan, ipinagbabawal ng Allah ang Apoy sa sinumang nagsabi ng La Ilaaha Illalaah at naghahangad na makita ang Mukha ng Allah."(Al-Bukhari [bilang 425] at Muslim [bilang 33])
Si Sheikh Sulaiman ibn 'Abdullah [nawa'y kaawaan siya ng Allah] ay nagsabi: "At kailangang alaming mabuti ang malinaw na kahulugan mula sa mga mapagkakatiwalaang hadeeth na nagsasabing sinuman ang magsabi ng dalawang panunumpang ito ay ipagbabawal sa kanila ng Allah ang Apoy ng Impiyerno; kabilang na rito ang isang hadeeth na sinabi ni Mu'aadh: "Habang ako at ang Sugo(sas) ay naglalakbay, sinabi niya ito sa akin ng tatlong beses: "O Mu'aadh ibn Jabal!" Sinagot ko rin siya ng tatlong beses: Naririto ako, O Sugo(sas) ng Allah, upang maglingkod sa inyo. At kanyang sinabi: "Walang sinuman ang makapagpapahayag ng La Ilaaha Illalaah Muhammadur Rasoolullah nang makatotohanan mula sa kanyang puso, malibang ipagbawal sa kanya ng Allah ang Apoy ng Impiyerno." Aking sinabi: "O Sugo(sas) ng Allah, hindi ko ba ipaaabot sa mga tao upang makatanggap sila ng magandang balita? Siya ay sumagot: "Huwag, sapagka't sila ay magdedepende rito." Gayunpaman, ipinaalam ni Mu'aadh ang hadeeth na ito bago siya binawian ng buhay, sa takot na baka siya ay maging makasalanan [sa di niya pagpapaabot ng kaalamang ito]". (Al-Bukhari [bilang 128])
Si Muslim ay nag-ulat tungkol sa sinabi ni 'Ubaadah [nawa'y kaawaan siya ng Allah] na nagmula sa sinabi ng Sugo(sas): "Sinuman ang magpahayag ng La Ilaaha Illalaah Muhammadur Rasoolullah, ipagbabawal sa kanya ng Allah ang Apoy ng Impiyerno." (Muslim [bilang 47])
May mga hadeeth na nagsasabi na sinuman ang bumigkas ng dalawang pagpapahayag ng pananampalataya ay makapapasok sa Hardin ng Paraiso, subali't hindi naman tuwirang binanggit na ang taong iyon ay mapangangalagaan sa Impiyerno. Mula sa mga ito ay ang mga hadeeth na isinalaysay nina 'Ubaadah na sinundan pa ni Abu Huraira habang sila ay kasama ng Sugo(sas) sa kanilang pakikipaglaban sa Tabook – ganito ang pagkakasabi:
"Walang sinuman ang makakaharap ng Allah ang nagpatotoo ng La Ilaaha Illalaah at ako ay Sugo(sas) ng Allah, na walang anumang pagdududa, ang hindi pahihintulutan pumasok sa Hardin ng Paraiso." (Muslim [bilang 45])
Ang pinakamainam sa mga sinabi tungkol sa kahulugan nito ay kung ano ang sinabi ni Ibn Taymiyyah at iba pang mga nagsalaysay: Na ang mga hadeeth na ito ay nagpapahiwatig na sinuman ang bumigkas at inabot ng kamatayan, at ito ay nasabi ng walang pagpipigil: Na kailangang sabihin nang may kadalisayan mula sa puso, na may katiyakan mula sa puso, na walang anumang pag-aalinlangan dito, at makatotohanan. Katunayan, ang tunay na kahulugan ng tawheed ay ang kaluluwang nagtataglay nang wagas na pagtanggap at may takot sa Allah. Kaya't sinuman ang magpahayag ng La Ilaaha Illalaah nang may kadalisayan mula sa kanyang puso ay makapapasok sa Hardin ng Paraiso. Sapagka't ang kadalisayan ay ang wagas na pagtanggap na may kaakibat na takot sa Allah – ang Kataas-taasan sa pamamagitan ng makatotohanang pagsisisi mula sa kanyang mga nagawang kasalanan. Kaya't sinuman ang abutan ng kamatayan sa ganitong katayuan ay makararating sa Paraiso. Ito ay nabanggit sa ilang mga hadeeth na umabot sa pinakamataas na antas ng katiyakan at mapananaligan, na sinumang magsabi ng La Ilaaha Illalaah nang may pananampalataya sa kanyang puso, maging ito man ay kasing bigat lamang ng buto ng barley, o kasing bigat ng buto ng mustasa, o kaya'y kasing bigat lamang ng atomo – magkagayon, siya ay hahanguin mula sa Apoy ng Impiyerno. Ito rin ay may kaugnayan sa sinabi ng Allah na ang Apoy ay ipagbabawal sa sinumang anak ni Adan na kakikitaan ng tanda ng pagpapatirapa sa Kanya. Gayundin, ipinagbabawal ang Apoy ng Impiyerno sa mga nagsasabi ng La Ilaaha Illalaahu Muhammadur-Rasolullaah. Subali't, mangyayari lamang ito sa mga may kaalaman sa mga ipinagbabawal. Marami sa kanila ang nagsasabi nito subali't hindi nila batid ang katiyakan at kadalisayan ng tunay na kahulugan at nakababahala na kapag hindi nila ito naunawaan, maaari silang humantong sa pagsubok sa oras ng kanilang kamatayan. Katunayan, ang mga taong yaon na hahantong sa pagsusulit sa oras ng kanilang kamatayan, o kaya sa kanilang mga libingan ay ang mga uri ng tao na inilarawan sa hadeeth na ito:
"Narinig kong ang mga tao ay nagsasabi ng ilang bagay kaya ako ay nagsabi rin." (Hasan: Ito ay bahagi ng mahabang hadeeth na inulat ni At-Tirmidhi [bilang 737] mula kay Abu Huraira [nawa'y kaawaan siya ng Allah]. Ito ay niliwanag ni Sheihk Albaanee sa As-Saheehah [bilang 1391])
Kalimitang nangyayari ang mga bagay na ito sa mga taong bulag at walang sapat na kaalaman kung anuman ang kanilang sinusunod. Sila ang mga taong nababagay o naaangkop sa sinabi ng Allah – ang Kataas-taasan: Katunayan napag-alaman namin mula sa aming mga magulang na sinusundan ang ilang pamamaraan at relihiyon, at katiyakang aming susundan ang kanilang mga yapak. [Surah Az-Zukhruf 43:23]
Kaya naman, malinaw na walang pagsalungat sa naturang hadeeth. Kapag ang La Ilaaha Illalaah ay binanggit ng may katapatan at katiyakan, walang pag-aalinlangan na sila ay maliligtas sa pagkakasala. Ang wagas na kadalisayan na may katiyakan ang maghahatid sa isang tao upang siya ay mapalapit at mapamahal sa Allah ng higit sa anumang bagay, at wala nang malalabi pang bagay na ipinagbabawal sa kanya ng Allah, o kaya ay ang pagtanggi sa bagay na ipinag-utos ng Allah. Ipagbabawal sa kanya ng Allah ang Apoy ng Impiyerno, nakagawa man siya ng mga kasalanan bago pa mangyari ito sa kanya. Ang uri nang pananampalatayang may kalakip na matapat na pagsisisi at kadalisayan na nagtataglay ng tunay na pagmamahal at may katiyakan ay hindi mag-iiwan ng anumang kasalanan sa sinuman, maliban lamang na ito ay mabura na katulad ng gabing pinalitan ng araw. Dito nagwakas ang sinabi ng Sheihk [nawa'y kalugdan siya ng Allah]. (Taysserul-Azeezul-Hameed [p.61-62])
Si Sheihk Muhammad Ibn 'Abdul-Wahhab ay nagsabi: "Mayroong mga naiibang maling konsepto na nailahad. Kanilang sinabi na ipinagbawal ng Sugo(sas) kay Usaamah ang pagpatay ng tao makaraang magpahayag ito ng La Ilaaha Illalaah, at siya ay nagsabi: "Pinatay mo ba siya makaraang bigkasin ang La Ilaaha Illalaah!" (Al-Bukhari [bilang 4269] at Muslim [bilang 159].)
May ibang mga hadeeth ang nagpapanatili tungkol sa sinumang mga nagsasabi ng kalimah.
Ang layunin nito para sa mga di nakauunawa sa mga nagsasabi ng kalimah, ay hindi upang sila'y itanghal na mga hindi mananampalataya, o kaya'y makipaglaban sa kanila o ituring na
Katulad din nang nangyari sa mga sinunog ng buhay ni 'Alee ibn Abee Taalib (Al-Bukhari [bilang 6922]). Bagama't batid nila na sinuman ang mapatunayan na nagtakwil sa darating na araw nang Pagbabangong Muli, nararapat lamang na ibilang sila sa mga di-mananampalataya at kinakailangang patayin, kahit na sila ay nagsasabi ng La Ilaaha Illalaah. Pinatunayan din na sinuman ang di-tumanggap ng alinman sa mga haligi ng Islam ay kailangang ihanay sa mga di-mananampalataya at dapat patayin, kahit na sila ay nagsasabi ng kalimah. Kaya't papaanong ang [pagsasabi ng kalimah] ay hindi makatutulong sa isang tao kung kanyang itinakwil ang pangalawang [kinakailangan], subali't makatutulong sa taong nagtatwa ng tawheed na siyang pinakapuso ng Relihiyon at natatanging dahilan kung bakit ang mga Sugo ay ipinadala? Sa kabilang banda, ang mga kaaway ng Allah ay hindi nakauunawa ng kahulugan ng mga hadeeth na nabanggit. (Kashfush-Shubuhaat [p.45-49])
Ayon pa sa kanyang sinabi: "Para sa [kung ano ang dapat maunawaan mula rito] hadeeth ni Usama na minsan nang pumatay ng isang tao na nagpahayag na siya ay isang Muslim, dahil inakala niyang ginawa lamang ito ng taong kanyang napatay dulot ng takot na mawala ang kanyang ari-arian at maging daan ng kanyang kamatayan. Kaya sa anumang pagkakataon kapag ang isang tao ay nagpakilala na siya ay isang Muslim, ito ang pagkakataon upang itigil ang pakikipaglaban sa kanya, maliban lamang kapag malinaw na gumagawa lamang siya ng mga bagay na sumasalungat dito [at kailangan niyang makipaglaban para sa Islam]. Kaugnay nito, ang Allah ay nagpahayag ng talata [tungkol sa ganitong pagkakataon]:
O kayong mga nananampalataya! Kapag humayo kayo (upang makipaglaban) sa Landas ng Allah, siyasatin (ang katotohanan) at huwag sabihin sa sinumang babati sa inyo (ng Assalamu Alaikum): “Ikaw ay hindi (tunay na) nananampalataya”… [Surah An-Nisa 4:94]
Kaya naman binabalaan tayo ng talatang ito na siyasating mabuti ang katotohanan. Subali't pagkaraan nang masusing imbestigasyon at napatunayan na ang taong ito ay sumasalungat sa Islam, nararapat lamang na siya ay kalabanin sa anumang paraan, bunsod na rin sa kautusan na nagmula sa Allah na kailangang alamin muna ang katotohanan. Subali't kung ang kalagayan ng taong ito ay hindi na nangangailangan upang kalabanin, kahit na siya ay nagpahayag ng kalimah, magkagayon, ang kautusan na alamin muna ang katotohanan ay pinawawalan na nang saysay. Bilang patunay, ito ang sinabi ng Sugo(sas) ng Allah:
"Ako ay inatasang makipaglaban sa mga tao hangga't hindi sila nagpapahayag ng La Ilaaha Illalaah". (Al-Bukhari [bilang 392] at Muslim [bilang 35].)
Bagama't siya rin ang nagsabi ng tungkol sa Khawaarij:
"Kung akin lamang silang makakatagpo, magkagayon, papatayin ko silang lahat katulad ng pagpatay sa mga tao ni Aad." (Al-Bukhari [bilang 6930] at An-Nasaa'ee [bilang 3823])
Bagama't sila ang mga taong palagiang bumibigkas ng La Ilaaha Illalaah, at batid ng mga Kasamahan [ng Sugo(sas)] na ang kanilang mga sinasabi [ang kanilang pagsamba] ay itinuturing na kakaiba kung ihahambing sa kanilang pamamaraan nang pagsamba. Ang mga Khawaarij, sila ang nagkaroon nang kaalaman mula sa mga Kasamahan [ng Sugo(sas)] subali't ang kanilang [pagbigkas] ng La Ilaaha Illalaah ay hindi nakapaghatid sa kanila ng anumang biyaya, sinabi man nila ito ng maraming beses, o kaya ito ay dulot ng kanilang kaalaman sa Islam lalo na kung ang mga gawain na kanilang ipinakikita ay sumasalungat sa mga Itinakdang Batas ng Islam [Sharee'ah]. Katulad ng kanilang pakikipaglaban sa mga Hudyo at ang pakikipaglaban ng mga Kasamahan [ng Sugo(sas)] sa Banoo Haneefah na ating nabanggit. (Kashfush-Shubuhaat [p. 49-51])
Sa isang salaysay ni Al-Haafidh Ibn Rajab na pinamagatang Kalimatul-Ikhlaas [p.20-21] habang iniaakibat niya ang sinabi ng Sugo(sas): "Ako ay inatasang makipaglaban sa mga tao, hanggang sa sila ay magpahayag ng La Ilaaha Illalaah at ako bilang huling Sugo ng Allah, at magsagawa ng Pagdarasal at magbayad ng Zakat." (Al-Bukhari [bilang 25] at Muslim [bilang 36] mula kay Ibn Omar)
Kanyang sinabi: "Si Omar at ang mga Kasamahan [ng Sugo(sas)] ay nagturing na sinumang magpahayag ng shahadatain, sila ay pangangalagaan mula sa kaparusahan sa mundong ito. Kaya itinigil nila ang pakikipaglaban sa mga hindi nagbabayad ng Zakat. Sa kabilang banda, si Abu Bakr As-Siddeeq ay nagsabing ang pakikipaglaban ay hindi nararapat tutulan, subali't kinakailangan nilang mapunan ang tunay na kahulugan ng kalimah dahil na rin sa sinabi ng Sugo(sas):
"Kung gagawin nila ito, magkagayon ang kanilang dugo at ang kanilang pag-aari ay pangangalagaan ko, maliban lamang sa kung ano ang nararapat para sa Islam at ang kanilang kahihinatnan ay nakasalalay sa Allah." (Ito ang huling bahagi ng naunang hadeeth)
Si Abu Bakr ay nagsabing ang Zakat ay isang tungkulin na kailangang ibahagi mula sa kayamanan (Al-Bukhari [bilang 1400]). Ang pang-unawa ni Abu Bakr As-Siddeeq ay batay sa sinabi ng Sugo(sas) na narinig din ng ilang mga Kasamahan [ng Sugo(sas)] kabilang na sina Ibn Omar, Anas, at iba pa – ayon sa kanyang pagkakasabi:
"Ako ay inatasang makipaglaban sa mga tao, hanggang sa sila ay magpahayag ng La Ilaaha Illalaah at ako bilang huling Sugo ng Allah, at magsagawa ng Pagdarasal at magbayad ng Zakat."
Ito ay pinatunayan din sa sinabi ng Allah – ang Kataas-taasan:
Kapag sila ay nagsisi [mula sa kanilang di-pananiniwala], nagtakda ng Pagdarasal at nagbayad ng Zakat, magkagayon, hayaan silang maging malaya. [Surah At-Tauba 9:5]
Sa kahalintulad na talata na masasaksihan, ito ang sinasabi:
Kapag sila ay nagsisi, nagtakda ng Pagdarasal at nagbayad ng Zakat, magkagayon, sila ay inyong mga kapatid sa Relihiyon. [Surah At-Tauba 9:11]
Ito ay nagpapatunay lamang na ang Islamikong kapatiran ay hindi naitatakda o naisasakatuparan maliban lamang na magampanan ang mga itinalagang tungkulin na may katiyakan [sa pagtanggap] sa tawheed. Katotohanan, ang wagas na pagsisisi mula sa nagawang kasalanang shirk ay hindi makakamtan kung hindi naisakatuparan ang [pagtanggap ng] tawheed. Kaya naman nang ito'y ibahagi ni Abu Bakr sa mga Kasamahan [ng Sugo(sas)], tinanggap nila ang kanyang sinabi sapagka't napag-alaman nilang tama ang kanyang pananaw tungkol dito. Maaaring batid natin na ang kaparusahan sa mundong ito ay walang katiyakan na mapapawi mula sa isang taong nagkasala at pagkaraan ay nagsabi ng dalawang pagpapahayag ng pananampalataya, bagkus, maaari pa rin siyang makatanggap nang kaparusahan sanhi ng kanyang mga pagkukulang na gampanan ang mga karapatan sa Islam. Gayundin, maaari pa rin silang maparusahan sa darating na Araw ng Paghuhukom.
Gayundin, si Ibn Rajab ay nagsabi: "Isang grupo ng mga iskolar ang nagsabi na ang ipinakakahulugan ng mga nabanggit na hadeeth na nagsasabing ang La Ilaaha Illalaah ay maaring maging dahilan upang makapasok sa Hardin ng Paraiso at makapagliligtas sa Apoy ng Impiyerno. Subali't hindi nila matatanggap ang karapatang ito maliban lamang na magampanan nila ang mga kondisyon [shuroot] at tanggalin ang lahat nang mga namamagitan [intifaa'ul-muwaani']. Kaya naman, ang anumang biyaya ay hindi lubusang makakamtan sanhi ng alinman sa mga kondisyon na hindi nakamit, o kaya naman ay ang pagkakaroon ng mga bagay na humahadlang. Ito ang sinasabi nina Al-Hasan [Al-Basree] at Wahb ibn Munabbin tungkol sa kanilang pananaw.
Sinabi ni Al-Hasan kay Al-Farazdaq, na naglibing sa kanyang asawa: "Ano ang iyong inihanda sa araw na ito?" Siya ay sumagot: Ang magpahayag ng La Ilaaha Illalaah sa nakalipas na pitumpung taon [70]. Sumagot si Al-Hasan: "Isang nakapagandang paghahanda. Subali't ang La Ilaaha Illalaah ay may mga nakatakdang mga kondisyon, kaya mag-ingat sa pang-iinsulto sa mga inosenteng kababaihan."
Minsan ay sinabi kay Al-Hasan na ang ilang tao ay nag-aakalang sinuman ang magpahayag ng La Ilaaha Illalaah ay makapapasok sa Hardin ng Paraiso. Kaya siya ay sumagot: Sinuman ang magsabi ng La Ilaaha Illalaah, at nagampanan niya ang mga pangangailangan at obligasyon na nauukol dito, siya ay makapapasok sa Hardin ng Paraiso.
Minsan si Wahb ibn Munabbin ay tinanong: Hindi baga ang susi sa Paraiso ay La Ilaaha Illalaah? Siya ay sumagot: "Katotohanan, subali't walang mainam na susi maliban lamang kung ito ay mayroong ngipin at nasa tamang desenyo upang ang pintuan ay magbukas sa kanya, kung wala nito, maaaring ito'y hindi mabuksan!" (Al-Bukhari [3/141]. At Kalimatul-Ikhlas [p.15-127]).
Sa aking mga narinig na pahayag mula sa mga taong may sapat na kaalaman, ito'y sapat na upang mawala ang pag-aalinlangan na sinumang magpahayag ng La Ilaaha Illalaah ay hindi na maituturing na isang hindi mananampalataya, sanhi ng kanyang patuloy na paggawa ng malaking shirk hanggang sa kasalukuyan sa mga libingan ng mga matutuwid na tao at mga uri ng gawain na sumasalungat sa kahulugan ng La Ilaaha Illalaah. Ito ang landas na tinatahak ng mga nangaligaw; silang mga nag-aakalang ang kanilang mga pinanghahawakang patunay ay tama, na nagtakwil sa malinaw at detalyadong mga patunay. Ito ay may kaugnayan sa kalagayan ng isang tao na tumanggap at naniwala sa ilang bahagi ng Aklat at pagkatapos ay nagtatwa sa ilang bahagi nito. Ang Allah ay nagpahayag tungkol sa uri ng mga taong ito:
Ang Allah ang nagpadala sa iyo ng Aklat. Naririto ang mga Talatang ganap na maliwanag ang kahulugan [al-muhkamaait], ito ang mga saligan ng Aklat at ilan pang ibang mga talatang hindi malinaw [almutashaabihaat]. At ang kanilang mga puso ay may taglay na kasamaan at pagkaligaw, kanilang sinusunod ang mga talatang hindi ganap na malinaw, na naghahangad ng hindi pagsang-ayon at pag-aalinlangan at naghahanap ng nakakubling mga kahulugan. Subali't walang ibang nakaaalam ng mga nakatagong kahulugan nito maliban lamang sa Allah. At yaong mga may matatag na kaalaman ay nagsabi: Kami ay naniniwala rito; ang kabuuan nito ay nagmula sa ating Panginoon. At walang tumanggap ng aral mula rito, maliban sa mga taong may sapat na pang-unawa. [Silang mga nagsasabing]: Aming Panginoon! Huwag Ninyong hayaang ang aming mga puso ay malayo mula sa katotohanan makaraang Iyo kaming gabayan, at pagkalooban Mo po kami ng habag mula sa Iyong Kalooban. Katotohanan, Ikaw ang Tagapagkaloob. Aming Panginoon! Katotohanan na Ikaw ang magtitipon sa sangkatauhan sa Araw kung saan walang pag-aalinlangan. Katotohanan, kailanman ay hindi sumira ang Allah sa Kanyang Pangako. [Surah Al-Imran 3:7-9] (Sinabi ni Imaam Ash-Shaatibee [nawa'y kalugdan siya ng Allah] sa kanyang aklat na pinamagatang At-I'tisaam [1/231]: "Sinuman ang sumunod sa mutashaabihaat verses, at binaligtad ang mga pangunahing dahilan [ng talata], nagbigay ng paliwanag tungkol dito na hindi ibinigay ng mga Matutuwid na Tagasunod [Salafus-Saalih], na nag-uugnay sa napakahinang ahaadeeth, na ginamit bilang isang patunay, para sa bawa't pananaw na umaayon sa kanyang hangarin at layunin – nang walang pinagbatayan ng pangunahing patunay upang ito ay maunawaan sa ganitong paraan – magkagayon, ito ay isang paraan upang maragdagan ang pagsasagawa nito.")
O Allah gabayan Mo po kami sa katotohanan at pagkalooban Mo po kami nang pagkakataong makasunod dito at ipakita Mo po sa amin ang kasinungalingan at ipahintulot Mo po sa aming manatili sa pagtalima sa lahat ng malinaw na kautusan.